Bata pa lang ako ay hilig ko na ang pagsusulat kaya naman sinabi ko sa aking sarili na baling araw ay gagawa ako ng kuwento na maipapalabas ko sa pelikula o telebisyon. Iyon ang dahilan kaya sumasali ako sa mga scriptwriting workshop. Umaasa na isang araw ay magiging tv writer o film writer din ako. Pero, alam kong mahirap sa movie o film at tv kaya sinubukan ko munang magsulat sa Publication.
Bagamat nakakapagsulat na ako noong year 2002 sa romance pocketbook at nakaranas ng magpa-autograph signing ay hindi ko pa rin masabi na magaling akong manunulat. Ilang beses din naman kasi akong makaranas na makakuha ng ‘return’ o ‘reject’ at katakut-takot na komento ang mababasa ko roon. Ang ibang mga katagang nakasulat doon ay masasakit kaya minsan ay nagagawa kong tanungin ang aking sarili, wala ba talaga akong kuwentang manunulat? Bakit puro palpak ang aking mga kuwento? Ipagpapatuloy ko pa ba ang aking pagsusulat? Ah, parang gusto ko ng ibaon sa limot ang pangarap kong makapagsulat? Pakiwari ko kasi ay hindi talaga ako epektibong manunulat.
Nagdesisyon na akong maghanap ng trabaho. Iyon nga lang, hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Ano ba ang trabaho na nababagay sa akin? Clerk? Saleslady? Hah, hindi ko na alam. Basta ang gusto ko ay makapagtrabaho. Ito lang kasi ang alam kong paraan para mabuhay ko ang aking anak. Mahal na mahal ko siya kaya hindi ko siya hahayaang magutom at mangayayat.
Hanggang isang araw ay may nakita na naman akong philippine newspaper sa ibabaw ng aming mesa. Madalas kasing bumili ng Bulgar ang aking ama matapos siyang magsimba. Nang buklatin ko iyon ay agad kong nakitang may hiring sila. ‘Editorial Assistant’. Naisip ko na may K akong maging Editorial Assistant dahil nakapagtrabaho naman ako sa ABS-CBN Publishing ng ilang buwan tapos ay nakapagsulat din naman ako ng ilang libro kaya may pakiramdam ako na may pintong magbubukas sa akin.
Dahil sa mga karanasan ko sa pagsusulat, siguro’y napagtanto ng nag-interview sa akin na ako ang hinahanap niyang karapat-dapat na maupo sa bakanteng puwesto na iyon. Pero, kahit na nakapasa na ako sa kanya ay kinailangan ko pa rin siyempre ng final interview buhay kay Madam.
Naku po, nang una ko siyang makita ay parang kakapusin ako ng hininga. Kinakabahan kasi ako dahil baka hindi niya magustuhan ang aking resume. Pero, napatangu-tango siya nang mapansin niyang marami na pala akong naisulat. Ibig sabihin ay madali na lang sa akin ang gumawa ng storya. Ipinagkatiwala niya sa akin ang paggawa ng romance, horror, article at iba pa. Dahil doon ay nabuhay ang magiging manunulat ko. Nagawa kong ilabas ang lahat ng naiisip at niloloob ko na walang ibang kokontrang editor.
Sa Bulgar ay nagawa kong maging malaya bilang manunulat. Wala akong ‘do’s’ and ‘don’t’. Basta alam ko lang ang mga hindi ko talaga dapat isulat. Kaya pakiramdam ko ang BULGAR talaga ang dahilan kung bakit nagagawa ko ng makapagsulat ng ilang istorya.
Sa BULGAR ay nagawa ko na sigurong makapagsulat ng limampung nobela at tatlong daan na istorya ng horror novels at kung anu-ano pang artikulo. Noon ay nagawa ko rin na makapagsulat ng cartoon tv series sa UAE dalawang taon na ngayon ang nakararaan.
Ah, talaga ngang malaki ang utang na loob ko sa BULGAR bilang manunulat kaya masasabi kong ito ang kompanya na mahal na mahal ko.
No comments:
Post a Comment